Friday, March 13, 2015

YEAR 2009

March 13, 2015, Friday


YEAR 2009

              Dati nung bata ako kapag sinabing camp, exciting kasi may swimming at puro laro kasama ng mga kaibigan. Ngayon, iba na lalo na nung nangyari yung tatlong araw na nakasama ko yung isang taong hindi ko pa lubusan kilala. Kilala lang sa pangalan at minsan lang makausap pero dun nagsimula ang lahat. Kaya kapag sinabing camp, isa na yun sa mga bagay na mas naaalala ko. Dun ko siya sinubukan mas kilalanin at samahan. Yung tipong hindi mo alam kung anong gagawin mo kasi baka naiinip na siya o hindi mo alam kung ano ang gusto niya. O baka nabobored na siya kasi wala kayong magawa kapag free time kundi samahan lang siya kung saan mapadpad ang mga paa niyo. Yung hindi mo alam kung anong topic ang magandang mapag-usapan. Ganun yung pakiramdam kasi first time mo lang makasama yung tao. Dahil isa na din siya sa bisita ay dapat mo din alalayan. Minsan nakakahiya pero habang tumatagal ay gumagaan din ang loob ko para bang ang lapit ng loob ko agad sa kaniya. Yung hindi mo inakala na magagawa mo yun sa isang tao. Yung hindi mo inakalang magiging malapit ang loob mo sa kaniya at magiging parte ng buhay mo. Hindi nagtagal, sa mga lumipas na panahon ay isang munting alaala na lang siya dahil dumarating talaga sa buhay natin na umaalis o nawawala din sila. Kaya ang maiiwan na lamang ay ang mga magagandang alaala na meron kayo nung mga nakaraang panahon.

                Kaytagal na pala. Madaming panahon na palang lumipas. Madaming panahong nasayang. Madaming panahong nabigo. Madaming panahong ng lumisan kaya natuluyan na lang nawala. Kaya sa huli ay bumigay na lang at nawalan na ng pag-asa kahit na alam mong mahalaga pa din siya sa iyo. Kung pwede lang bumalik sa nakaraan, yun ang isa sa mga gusto kong balik-balikan kasi yun ang simula ng lahat. Dumarating talaga yung panahon na kahit gaano mo katagal ng kasama o kakilala ang isang tao ay meron pa din misunderstanding, tampuhan, o mga bagay na hindi mo inaasahan na mangyayari. Kaya sa paglipas ng panahon ay unti-unti din lumalayo ang loob niyo sa isa't-isa. Kahit na minsan sinabi mo sa sarili mo na gusto mo siyang makasama ng matagal o kahit gaano man kalayo ang lugar ay may komunikasyon pa din kayo. Yung kahiit sa mga simple o maliliit na bagay ay pwedeng lumaki para masira yung magandang pinagsamahan niyo. Araw-araw naiisip mo yung mga bagay na yun. Anong gagawin mo kapag nagkakasalubong kayo? Kapag masyado kayong malapit sa iisang lugar. Kapag nanidyan siya sa paligid. Kapag nasa iisang sasakyan kayo. Ang awkward naman hindi ba? Yung tipong nasa iisang kotse kayo tapos walang kumikibo ni isa sa inyo. Yung hindi mo alam kung ano ang iniisip niya tapos kinakabahan ka nab aka bigla kaniyang kausapin. Lalong awkward at nakakakaba. Para bang hindi ka na sanay kapag nandiyan siya. Samantalang dati ay halos 24 hours na kayong magkausap. Puro kulitan at kwentuhan na para bang walang bukas. Walang sawang kamustahan na parang antagal niyong hindi nagkita. Kulang na lang ay magpunta na lang kayo sa isang lugar para magkita na lang at dun mas masaya ang pag-uusap at bonding. Halos lahat sa isang iglap ay naglaho ng parang bula. Parang hindi niyo na kilala ang isa’t-isa. Para bang hiya ka ng banggitin ang pangalan niya o nahiya ka ng magkita kayo sa iisang lugar. Nawala na yung masasayang kwentuhan, bonding at sabik na pagkikita. Isa na lang siyang alaala sa mga scrapbook kung saan dun nakalagay yung mga memories na meron kayo. Sa sobrang dami niyong sinubukan ayusin ang lahat ay bumigay ka na lang. Give up na. Napagod na. Wala ng nag-effort na magiging magkaibigan pa din kayo. Kaya kapag nagkikita kayo o nasa iisang bubong kayo ay parang balewala na lang kayo sa isa’t-isa. Parang hindi niyo na kilala ang isa’t-isa. Kaya sa bawat araw na lumilipas, masakit man siyang isipin, unti-unti mo na lang tinatanggap na wala na siya. Unti-unti mo na lang hinuhukay sa isip mo na alaala na lang talaga siya. Kaya kahit magkita man kayo ay parang wala kang nakita o hangin lang napadaan.

                Kaya sa buhay natin ay may mga tao talagang dumarating at lumilisan. May mga taong tumatagal at habang buhay natin nakakasama. May mga taong kahit na lumisan na ay hindi natin magawang makalimutan. May mga taong kahit na gaano sila kalayo ay gumagawa tayo ng paraan para nararamdaman natin na nandiyan lang sila sa tabi natin. May mga tao na kahit bumaliktad man ang mundo ay mahal pa din natin sila. Kaya sa bawat araw na nandiyan sila ay isipin natin na mahalaga ang bawat memories kasi hindi natin alam kung hanggang kalian natin sila makikita o nasa tabi nila. Darating ang araw na magigising tayo na wala na sila kahit gustuhin mo man silang makasama. Pamilya, kaibigan o someone na special sa iyo ay may parte sa buhay. Mahirap dumating yung panahon na hindi mo man lang nagawa kung ano yung matagal mo ng gustong gawin noon na ngayon ay huli na pala. Hindi mo na maibabalik kung ano yung nawala na.